Batangas City — Nagkaisa ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, technical experts at stakeholders para sa mas maayos na pangangalaga at pamamahala sa Taal Volcano Protected Landscape (TVPL) at Taal Lake.
Tinanggap ni Governor Vilma Santos-Recto ang mga kinatawan ng iba’t ibang sektor para sa isang courtesy call at talakayan hinggil sa kasalukuyang kalagayan ng Taal Lake at mga komunidad na nakapaligid dito.
Layunin ng pagtitipon na pagtibayin ang koordinasyon ng mga katuwang na ahensya at stakeholders upang makabuo ng malinaw na direksyon, magkakaugnay na hakbang at konkretong solusyon sa mga hamong kinahaharap ng Taal at mga pamayanang umaasa rito.
Binigyang-diin din ang kahalagahan ng bayanihan at koordinasyon upang matiyak na ang pangangalaga sa Taal ay hindi lamang nakatuon sa kalikasan, kundi maging sa kabuhayan, kaligtasan at kapakanan ng mga residente.
Kabilang sa mga tinalakay ang pagmomonitor sa biodiversity, kalidad ng tubig, mga usapin sa pangisdaan, at iba pang hakbang para mapanatili ang balanse sa pagitan ng pangangalaga sa kalikasan, napapanatiling kabuhayan at responsableng turismo.
Ayon kay Gov. Vilma, ang pangangalaga sa Taal ay hindi lamang tungkulin ng isang grupo kundi pananagutan ng lahat.
Sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos at mas pinaigting na koordinasyon, layunin ng mga stakeholder na mapangalagaan ang Taal Volcano Protected Landscape habang sinusuportahan ang kapakanan at kabuhayan ng mga komunidad na nakapaligid dito