OCCIDENTAL MINDORO — Pinabibilisan na ni Occidental Mindoro Governor Eduardo Gadiano ang rehabilitasyon , pamamahagi ng tulong at pagpapatupad ng mga programa para sa mga residenteng naapektuhan ng pananalasa ng habagat at mga nagdaang bagyo.
Sa pulong ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) noong Setyembre 22, sinabi ni Gadiano na kailangang agad na maipatupad ang mga programa para sa rehabilitasyon at pagbangon ng mga pamilyang sinalanta ng kalamidad.
Batay sa Rapid Damage Assessment and Needs Analysis (RDANA), umabot na sa ₱2.195 bilyon ang halaga ng pinsala sa buong lalawigan.
Ayon kay Precious Anahaw ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), kabilang sa mga naapektuhan ang mga sektor ng agrikultura, imprastraktura, kabuhayan at mga tahanan.
Dahil sa lawak ng pinsala, idineklara ng Sangguniang Panlalawigan ang Occidental Mindoro sa ilalim ng State of Calamity noong Setyembre 1.
Mahigit ₱25 milyon naman mula sa Quick Response Fund (QRF) ang inilaan para sa agarang pagtugon sa mga pangangailangan ng mga apektadong residente.
Pinakamalaking bahagi ng pondo, o 46 porsiyento, ang napunta sa PDRRMO para sa mga kinakailangang materyales gaya ng gabion wire at filter cloth, gayundin sa fuel subsidy ng mga lokal na pamahalaan at national government agencies na nagsasagawa ng relief at response operations.
Mahigit ₱8 milyon naman ang inilaan sa Office of the Provincial Agriculturist para sa pagbabalik-kabuhayan ng mga magsasaka at boat owner.
Samantala, ₱3.78 milyon ang napunta sa Provincial Social Welfare and Development Office para sa financial assistance sa mga nasiraan ng bahay at pamamahagi ng Family Food Packs.
May nakalaan ding ₱1.71 milyon para sa mga livestock farmer, habang ₱261,000 ang inilaan para sa mga kwalipikadong MSME na naapektuhan ng kalamidad.
Naglaan din ng ₱101,000 para sa Provincial Health Office para sa Doxycycline na gagamitin sa mga lugar na binaha upang makatulong sa paggamot at pag-iwas sa bacterial infections.
Ayon kay PDRRMO head Mario Mulingbayan Jr., nagpapatuloy na ang paghahatid ng tulong sa mga apektadong komunidad.
Tiniyak niyang bibilisan ang pagproseso at pamamahagi ng financial assistance upang mas mabilis na makabangon ang mga pamilyang naapektuhan ng kalamidad.