ORIENTAL MINDORO – May bago ng mayor ang Baco, Oriental Mindoro.
Si Vice Mayor Eric Castillo na ang kinikilalang mayor ngayon matapos ang maisilbi na ng Department of Interior and Local Government o DILG Oriental Mindoro ang dismissal order ng Ombudsman kay Mayor Allan Roldan ng Baco, Oriental Mindoro.
Mismong si DILG Oriental Mindoro Provincial Director Erick Gumabol anh naghain ng dismissal order nitong Huwebes ng 5:00 pm kay Roldan sa tanggapan nito sa munisipyo.
Buong-puso naman itong tinanggap ni Roldan na bumaba sa pwesto.
Dahil dito, awtomatikong si Castillo na ang mayor.
Nakitaan ng Ombudsman ng sapat na ebidensya kaugnay ng kasong Grave Misconduct si Roldan.
Sa desisyong inilabas noong ika-6 ng Marso 2026, napag-alaman ng Ombudsman na nagkaroon ng conflict of interest si Roldan nang magkaroon ito ng financial interest sa mga infrastracture projects sa kanyang bayan.
Ang mga proyekto ay ang pag-aayos ng security entrance gate ng munisipyo, pagkumpleto ng façade ng Multi-Purpose Building, improvement ng gusali ng Rural Health Unit at
konstruksyon ng gusali para sa public market sa Barangay Poblacion.
Ayon sa reklamong inihain ng Commission on Audit Regional Office IV-B, natuklasan na ang mga heavy equipment na ginamit sa tatlong proyekto ng munisipyo ay inupahan ng kontratistang MIDR Construction mula sa DelRoI Enterprises—isang kumpanyang pag-aari mismo ni Roldan.
Bukod dito, napag-alaman din ng imbestigasyon na may mga iregularidad sa schedule ng proyekto dahil batay sa mga geotagged na larawan at post sa social media, lumabas na ang ilan sa mga proyekto ay naipatupad na bago pa man opisyal na maisagawa ang public bidding at paggawad ng kontrata.
Sa kabila ng pagtanggi ni Roldan na may kinalaman siya sa mga nasabing kontrata at pagsasabing sumunod ang pamahalaang bayan sa procurement laws, pinagtibay ng Ombudsman na may intensyon ang alkalde na labagin ang batas.
Binigyang-diin ng tanggapan na ipinagbabawal ng batas ang pagkakaroon ng anumang transaksyon ng isang opisyal sa lokal na unit ng pamahalaan kung saan siya may kapangyarihan.
Maliban sa dismissal mula sa serbisyo, pinatawan din si Roldan ng mga parusang pagkansela ng kanyang eligibility, panghabambuhay na diskwalipikasyon sa paghawak ng pampublikong posisyon, pagbabawal sa pagkuha ng civil service examinations, at pagkumpiska ng kanyang retirement benefits.
Hinihintay pa ang pahayag ni Roldan.