Lumaktaw sa nilalaman
Martes, 3 Nobyembre 2026 3 Nob 2026
TBSTNews OnlineTotoong Balita sa Southern Tagalog
Ito ang Totoo! www.totoongbalita.com
Swertres 9-7-1
BREAKING CALABARZON

‘Patunayan n’yong may hustisya’: Charles Usi, inihatid na sa huling hantungan

Sa gitna ng mga luha at matinding dalamhati, ang panawagan ng pamilya at mga mahal sa buhay na mapabilis  na mapanagot ang lahat ng nasa likod ng krimen.

Daan-daan ang nakipaglibing kay Charles Usi sa San Jose Public CemeteryTBST News
I-share

SAN JOSE, Batangas – Daan-daan  ang naghatid sa huling hantungan  sa  pinaslang na 22-anyos na working student at singer na si Charles Usi nitong Martes ng umaga kasabay ang pakikiisa sa pamilya para sa paghahanap ng katarungan.

Sa gitna ng mga luha at matinding dalamhati, ang panawagan ng pamilya at mga mahal sa buhay na mapabilis  na mapanagot ang lahat ng nasa likod ng krimen.

Mula sa kanilang tahanan sa Barangay Lumil sa San Jose, Batangas, dinala ang mga labi ni Charles sa Saint Joseph the Patriarch Church para sa huling banal na misa at pagbabasbas bago siya inihatid sa pampublikong sementeryo .

Hindi napigilan ng pamilya, mga kaibigan at mga nagmamahal kay Charles ang pag-tangis sa kanilang huling sulyap sa biktima.

Para kay Merwin Usi, higit pa sa pinsan ang turing niya kay Charles na lagi niyang karamay sa mga problema at kaisa sa maraming pinagdaanan sa buhay.

“Kapatid na po ang turing niya sa akin. Simula sa simula kami ang magkasama, tapos ngayon wala na. Ang laking pagbabago, hindi na namin alam ang gagawin,” ani Merwin.

Pilit na nagpapakatatag si Wilma Usi para sa iba pa niyang mga anak.

Wala siyang ibang hiling kundi ang agarang pag-usad ng kaso upang makamit ng kaniyang anak ang katarungan.

Sa mismong libingan ni Charles, nangako ang ina na gagawin niya ang lahat upang panagutin ang mga responsable sa krimen, kahit batid niyang makapangyarihan ang taong itinuturong nasa likod nito.

“Ako po ay nangangamba rin po para sa amin, lalo na doon sa isa ko pang anak na pumapasok po sa Westmead, kaya gusto ko po humingi ng tulong sa nakatataas,” ani Wilma.

Naniniwala rin si Wilma sa mga pahayag ng testigong nagtuturo sa sinasabing utak ng krimen.

“Ako po ay naniniwala, yung sinabi po ng star witness, yun po ay totoo kaya gusto ko po matamo ng aking anak ang katarungan,” aniya.

“Hinihiling ko lang po na sana po ay may makatulong sa amin na umusad po yung kaso, mabigyan po ng hustisya ang pagkamatay,” dagdag niya.

Hindi rin maitago ni Merwin ang pagkadismaya sa umano’y mabagal na pag-usad ng kaso.

“Mabagal ang proseso para mabigyan ng hustisya ang pinsan ko. Napakabagal ng kapulisan dito sa amin. Kayo mga nasa itaas, patunayan n’yong may hustisya pa sa Pilipinas gaya ng pinsan ko. Bigyan sana siya ng hustisya,” panawagan ni Merwin.

Kasabay ng pagdarasal para sa kapayapaan ng kaluluwa ni Charles, umaasa si Wilma na magiging gabay nila ang anak sa kanilang patuloy na paghahanap ng katarungan at sa pagtiyak na mapapanagot ang mga may sala.

Isinama rin sa libingan ang paboritong gitara ni Charles, ang naging kasama niya sa maraming laban at sa pagtupad sa kaniyang mga pangarap bilang musikero.

Ang mismong gitara na ito, na may mga tama pa ng bala, ang bitbit ni Charles nang siya ay pagbabarilin.

Sa gitna ng kaniyang pagdadalamhati, may huling mensahe si Wilma para sa anak.

“Sa aking anak na si Charles, kung nasaan man po siya ngayon, sana po ay magkaroon siya ng katahimikan at sana po ay matulungan niya kami na makuha ang hustisya para po sa kaniyang pagkamatay,” ani Wilma.

Sa huli, umaasa ang pamilya Usi na hindi matitinag ang mga awtoridad sa anumang impluwensiya ng mga taong itinuturong sangkot sa krimen.

Para sa kanila, hindi magtatapos sa paglilibing kay Charles ang kanilang laban. Hangga’t hindi napapanagot ang mga nasa likod ng kaniyang pagkamatay, patuloy silang mananawagan at lalaban para sa katarungang nararapat sa kanilang anak at mahal sa buhay.

Kaugnay na Balita