CABUYAO City , Laguna — Pinaghahandaan na ng lokal na pamahalaan ng Cabuyao ang posibleng epekto ng paparating na El Niño, kabilang ang inaasahang problema sa suplay ng tubig, pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at pangangailangan sa pagkain.
Pinulong ni Mayor Dennis Hain ang mga kapitan ng bawat barangay upang talakayin ang mga hakbang na dapat ipatupad at mga prayoridad na kailangang tutukan sa kani-kanilang nasasakupan.
Kabilang sa mga napag-usapan ang paghahanda ng sapat na suplay ng tubig at pagtugon sa posibleng pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Itinutulak din ang pagsisimula ng pagtatanim sa mga bakanteng lote, paaralan at iba pang maaaring mapakinabangan na lugar bilang paghahanda sa posibleng kakulangan sa pagkain.
Hinihikayat ang mga residente na magtanim ng mga halamang mabilis tumubo at mamunga gaya ng i malunggay, saging na saba, kamote, pechay at kalabasa.
Ayon sa lokal na pamahalaan, hindi lamang paghahanda sa El Niño ang layunin ng programa dahil makatutulong din ang pagtatanim sa pangangalaga sa kalikasan at pagbawas sa epekto ng climate change.
Kasabay nito, paiigtingin din ang paglilinis sa mga barangay bilang bahagi ng kampanya laban sa dengue.
Inaasahang makikiisa ang lahat ng barangay sa mga hakbang upang maging handa ang komunidad bago pa maramdaman ang epekto ng El Niño.
Binigyang-diin ng lokal na pamahalaan na kailangang magsimula ang paghahanda ngayon upang maiwasan ang mas mabigat na problema sa oras na maranasan ang matinding init at kakulangan sa tubig.