BATANGAS City – Hindi pa nararanasan ang inaasahang dagsa ng mga biyahero sa Batangas Port ilang araw bago ang Undas.
Sa halip na siksikan at mahahabang pila, maluwag pa ang sitwasyon sa passenger terminal building kung saan halos walang pila sa mga ticketing booth at marami pang bakanteng upuan sa departure area.
Isa si Eric Lacerna, na pauwi ng Caticlan, sa mga biyaherong hindi nahirapan sa pagbili ng tiket.
“Suabe, maganda dito sa Batangas Port,” ani Lacerna.
Ayon kay Batangas Port Management Office Manager Aurora Mendoza, nasa 10,698 pasahero lamang ang naitala noong Huwebes.
Pagsapit naman ng Biyernes hanggang alas- 4:00 pm, nasa 8,207 pa lamang ang bilang ng mga pasaherong dumaan sa pantalan.
Gayunman, hindi pa rin nagpapakampante ang pamunuan ng pantalan dahil inaasahan pa ang posibleng pagdagsa ng mga biyahero sa mga susunod na araw.
“Payapa pa rin. Matumal ang pagdating ng mga pasahero. In fact, akala namin ngayon bubuhos na kasi wala na talagang pasok ang ibang mga ahensiya ng gobyerno at ang iba naman nagli-leave na. Pero naghihintay kami simula kagabi. So sabi namin baka tingnan natin bukas pa rin kasi ang Monday naman daw walang pasok,” ani Mendoza.
Posible rin umanong nakaapekto sa bilang ng mga bumibiyahe ang kalagayan ng ekonomiya, partikular ang mataas na pamasahe.
“I think yung mahal din ang pamasahe,” dagdag ni Mendoza.
Sa kabila ng maluwag na sitwasyon, mahigpit pa ring ipinatutupad ng Philippine Ports Authority (PPA) ang Online Reservation Assistance System o ORAS.
Sa ilalim ng sistema, kailangang magparehistro online ang mga pasahero upang makapagpareserba ng tiket at matiyak na may mabibili silang puwesto sa barko.
Pagdating sa Batangas Port, kailangang ipakita ang reservation sa mga tauhan ng PPA para beripikahin bago payagang bumili ng tiket sa mga shipping line.
Para naman sa mga walang internet access o hindi marunong magparehistro online, may mga nakatalagang tauhan na tutulong sa kanila.
“Mag-register lang sila dito, pero kung hindi naman sila marunong at wala silang mga internet, may mga nakaaantabay tayong mag-a-assist sa kanila,” ani Mendoza.
Tiniyak naman ng mga shipping line sa PMO Batangas na sapat ang kanilang mga barko upang maserbisyuhan ang inaasahang pagdami ng mga pasahero ngayong Undas.