Lumaktaw sa nilalaman
Martes, 20 Oktubre 2026 20 Okt 2026
TBSTNews OnlineTotoong Balita sa Southern Tagalog
Ito ang Totoo! www.totoongbalita.com
Swertres 5-0-7
CALABARZON

Babae, binaril ng kapwa pasahero ng traysikel sa Laguna

Onsehan sa ilegal na droga ang tinitingnang motibo sa krimen

Galing sa Infanta,Quezon ang biktima na inutusan lamang ng hipag na magpunta sa Mabitac, Laguna para katagpuin ang isang lalaki na may ibibigay sa kaniya.mabitac police station
I-share

MABITAC, Laguna – Sugatan ang isang 46-anyos na babae matapos barilin ng isang lalaking pasahero ng kasunod na traysikel sa Sitio Putat, Barangay Namunga, Mabitac, Laguna, nitong Lunes ng tanghali.

Nagtamo ng tama ng bala sa tiyan ang biktima at isinugod sa Gen. Cailles Memorial District Hospital para malapatan ng lunas.

Ayon kay Police Major Abelardo D. Jarabejo III, hepe ng Mabitac Municipal Police Station, naganap ang pamamaril bandang alas-12 ng tanghali.

Sakay din ng isa pang traysikel ang suspek sa pamamaril.mabitac police station

Batay sa paunang imbestigasyon, sakay ng traysikel ang biktima mula Infanta, Quezon, matapos utusan ng kaniyang hipag na magtungo sa Famy, Laguna, upang kunin ang isang bagay mula sa taong kaniyang makakatagpo.

Pagdating sa Famy, nakatanggap umano ng tawag sa telepono ang biktima mula sa isang hindi kilalang lalaki na nag-utos sa kaniya na magtungo sa Sitio Putat at sinabing susunod na lamang ito.

Pagdating sa napagkasunduang lugar, habang pababa ang biktima sa sinasakyang traysikel, binaril umano siya ng lalaking pasahero ng kasunod na traysikel.

Nagulat sa pamamaril ang dalawang drayber ng traysikel kaya agad silang tumakbo dahil sa takot upang humingi ng tulong.

Ayon kay Jarabejo, lumalabas sa paunang imbestigasyon na posibleng nagkamali ng target o onsehan sa ilegal na droga ang motibo sa pamamaril.

Patuloy naman ang pagtugis ng mga awtoridad sa suspek.

Kaugnay na Balita