Lumaktaw sa nilalaman
Martes, 20 Oktubre 2026 20 Okt 2026
TBSTNews OnlineTotoong Balita sa Southern Tagalog
Ito ang Totoo! www.totoongbalita.com
Swertres 5-0-7
CALABARZON

Lipa City Police may 3 persons of interest na sa kaso ng pinatay na estudyante; crime of passion, sinisilip

Hindi pa itinuturing na mga suspek ang mga ito, ngunit kabilang sila sa mga iniimbestigahan na maaaring makatulong sa paglilinaw ng kaso.

Bumuo na ang Lipa City Police Station ng Special Investigation Team na tututok sa kaso.TBST News
I-share

LIPA CITY  – May tatlong persons of interest na ang Lipa City Police Station na tinututukan sa brutal na pagpaslang sa isang 20-anyos na babaeng architecture student ng National University-Lipa.

Hindi muna nagbigay ng detalye si Lipa City Police Station chief PLtCol Aleli Buaquen kung sino-sino ang mga persons of interest na tinutukoy.

Ayon kay Buaquen, hindi pa itinuturing na mga suspek ang mga ito, ngunit kabilang sila sa mga iniimbestigahan na maaaring makatulong sa paglilinaw ng kaso.

Isa sa mga anggulong sinisiyasat ng mga awtoridad ang posibilidad na crime of passion ang krimen o may kinalaman ito sa matinding galit o personal na alitan.

“Ito yung mga maaaring may romantic relationship ,nagkaroon o mayroong, ah, r-romantic affair with, with the, with the victim. So hindi ito kaso ng, na, na-eliminate na natin yung, yung kaso ng maaaring pagnanakaw o kaya yung rape, hindi rin yun. So more on, ang intent talaga dito ay siya ay paslangin,” sabi ni Buaquen.

Nakuha sa CCTV footage ang isang lalaking sakay ng motorsiklo na iniuugnay sa insidente. Gayunman, hindi makilala ang rider dahil nakatakip ang mukha nito at walang plaka ang motorsiklo.

“Nakatakip ang mukha at yung motor niya walang plaka, tinanggal niya kaya may pagpaplano pero hindi ibig sabihin noon na hindi natin siya mahahanap dahil lahat ay paraan para ma-identify,” dagdag pa ng hepe ng Lipa City Police Station.

Pauwi na ang biktima mula sa paaralan at naglalakad malapit sa kanilang bahay sa Barangay Duhatan nang mangyari ang krimen. Limang saksak ang tinamo nito.

Bumuo na ang Lipa City Police Station ng Special Investigation Team na tututok sa kaso.

Nanawagan din ang mga awtoridad sa sinumang may nalalaman o impormasyon tungkol sa krimen at sa pagkakakilanlan ng suspek na makipagtulungan sa pulisya.

Kaugnay na Balita