SAN FERNANDO, Romblon — Arestado ang dating alkalde ng San Fernando sa Sibuyan Island, Romblon, at 39 pang iba matapos salakayin ng mga awtoridad ang isang umano’y ilegal na operasyon ng sabungan nitong Linggo ng hapon, ayon sa pulisya.
Pinagsanib na puwersa ng San Fernando Municipal Police Station at 3rd Platoon ng Romblon Police Mobile Force Company ang nagsagawa ng operasyon sa Sibuyan Amusement Center Corp. (SACC) sa kahabaan ng National Road sa Barangay Panangcalan.
Ayon sa pulisya, iniimbestigahan ang establisimyento dahil sa umano’y pagpapatakbo ng sabungan nang walang kaukulang prangkisa at business permit.
Hindi pinangalanan ng MIMAROPA police ang dating alkalde na kabilang sa mga naaresto. Gayunman, kinumpirma ni dating San Fernando Mayor Naneth Tansingco na kabilang sa mga dinakip ang kaniyang asawang si dating Mayor Salem Tansingco.
Inamin din ni Naneth na mga shareholder sa negosyo ng sabungan ang ilang miyembro ng kanilang pamilya at mga kaibigan. Aniya, ang kanilang manugang ang presidente ng kumpanya.
Gayunman, iginiit niyang tila pinupuntirya ng mga lokal na awtoridad ang kanilang negosyo.
Ayon kay Naneth, tumanggi umanong tanggapin ng pamahalaang bayan ang bayad nila para sa business permit kahit nabayaran na nila ang mga kinakailangang bayarin.
Dahil dito, naghain ang SACC ng motion for consignation sa korte, na umano’y pinagbigyan naman.
Ipinunto rin ni Tansingco na sapat na ang resolusyon ng Sangguniang Bayan upang magbigay ng prangkisa sa operasyon ng sabungan at hindi na kailangan ng hiwalay na ordinansa.
“Where in Romblon na may ordinance ang franchise? Wala! Kahit na sa ibang bayan, valid yung resolution kasi si court, si RTC, hindi rin naman sinabi na hindi sila puwedeng magpasabong because the franchise is resolution,” ayon kay Tansingco.
Bukod sa umano’y perang ginagamit sa pustahan, nakumpiska rin ng mga pulis ang mga panabong na manok, tari, protective equipment, laptop, printer, scanner, networking devices at iba pang kagamitang pinaniniwalaang ginagamit sa operasyon ng sabungan.
Inimbentaryo at nilagyan ng marka ang mga nakumpiskang ebidensiya sa harap ng mga naaresto, isang abogado at mga opisyal ng barangay.
Dinala ang mga suspek at ang mga nakumpiskang kagamitan sa San Fernando Municipal Police Station para sa dokumentasyon at kaukulang legal na proseso.
Ayon sa pulisya, inihahanda na ang reklamo laban sa mga suspek dahil sa umano’y paglabag sa Section 5(d), kaugnay ng Section 8 ng Presidential Decree No. 449, na inamyendahan ng Presidential Decree No. 1602.