LIPA CITY, Batangas – Sumisigaw ng hustisya ang pamilya ng 20 anyos na babaeng architecture student ng National University (NU Lipa) na brutal na pinatay habang pauwi sa kanilang bahay mula sa eskwelahan sa Barangay Duhatan noong Miyerkoles ng gabi.
Pitong taon na nagtrabaho sa Taiwan bilang caregiver si Lilibeth Martinez para mabigyan ng magandang buhay ang pamilya pero hindi niya inakala na uuwi siya para paglamayan ang anak na si Jazmine Iya Martinez, na third year college student.
“Yung sakit, talaga tangos hanggang likod. Yung hindi siya maipapaliwanag ng kahit na sino tao dahil wala siyang makapapaliwanag kung ba’t ’yon ginagawa sa kanya.” sabi ni Martinez.
Wala umano siyang alam na kaaway ang anak dahil tanging eskwelahan, bahay at simbahan lamang ang pinupuntahan nito.
Bandang 7:30 ng gabi noong Miyerkoles ng sundan ng isang nakamotorsiklo ang biktima habang naglalakad .
Limang beses na pinagsasaksak ng sakay ng motorsiklo ang biktima.
Unang inakala ng mga rumespondeng barangay tanod na naaksidente ang biktima pero nang isugod nila sa ospital doon natuklasan na may mga saksak pala ito.
Hiling ng ina ng biktima, sumuko na ang suspek.
Umapela naman si Lilibeth sa mga otoridad na bilisan ang paglutas sa kaso ng anak.
“sana matulungan nila ako. Hindi man, hindi man ganun kadali pero sana kahit papaano-mabigyan ng hustisya si Jasmine. Hindi, hindi tumatakbo sa isip ko kung anong dahilan kung bakit magagawa ito sa kanya, hindi ko akalain na mangyayari ito sa sarili ko anak” sabi pa niya.
Nakatakdang ilibing si Jazmine Iya Martinez sa Huwebes sa Haven of Infinity.
“