SANTA CRUZ, Laguna — Ilulunsad sa Nobyembre ang programang “Ambulance on the Go” ng Pamahalaang Panlalawigan ng Laguna upang mapabilis ang pagtugon sa mga residenteng nangangailangan ng agarang serbisyong medikal.
Sa ilalim ng programa, magsisilbing Ambulance Hub ang sistema kung saan maaaring tumawag ang mga residente sa isang hotline sa oras ng emergency. Agad namang ipapadala ang pinakamalapit na ambulansya sa lokasyon ng nangangailangan upang maihatid ito sa ospital.
Ayon kay Laguna Governor Sol Aragones, sumasailalim na sa pagsasanay ang mga driver ng ambulansya upang matiyak ang kanilang kahandaan sa pagtugon sa iba’t ibang uri ng emergency.
Katuwang din sa programa si Dr. Eric Tayag, na tumutulong sa pagpapatakbo ng sistema at sa pagtiyak na maayos ang serbisyong medikal na matatanggap ng publiko.
Kumpleto rin umano sa kinakailangang advanced medical equipment ang mga ambulansya upang magamit sa mga aksidente at iba pang medical emergency.
Malaki rin ang naging suporta ng pambansang pamahalaan sa pagpapatupad ng programa, ayon sa pamahalaang panlalawigan.
Sa unang yugto, ipatutupad ang “Ambulance on the Go” sa ika-4 na distrito ng Laguna, bago palawakin sa ika-3, ika-2 at ika-1 distrito.
Target ng pamahalaang panlalawigan na pagsapit ng susunod na taon ay saklaw na ng programa ang buong Laguna.
Samantala, 27 driver ang nakatapos ng Basic Life Support Training, habang 30 driver naman ang nakapagtapos ng Standard First Aid training bilang bahagi ng paghahanda sa programa.
Ayon sa pamahalaang panlalawigan, layunin ng “Ambulance on the Go” na mapabilis ang emergency response at matiyak na agad na makatatanggap ng kinakailangang tulong medikal ang mga Lagunense sa oras ng pangangailangan.