LIPA CITY, Batangas – Kinumpirma ng Philippine Air Force (PAF) ang pagkasawi ng apat na piloto matapos bumagsak ang dalawang SF-260 aircraft nang magsalpukan habang nagsasagawa ng training flight sa Fernando Air Base nitong Oktubre 23.
Ayon sa PAF, nangyari ang insidente dakong alas-3:51 ng hapon. Kapwa bumagsak ang mga eroplano sa loob ng perimeter ng base.
Wala namang ibang nasawi sa insidente.
Bilang pag-iingat, pansamantalang ipinagbawal ang pagpapalipad sa lahat ng SF-260 aircraft habang isinasagawa ang pagsusuri sa kaligtasan ng mga ito.
Nagpahayag ng pagluluksa ang PAF sa pagkamatay ng apat na piloto at sinabing nakikipag-ugnayan na ito sa mga naulilang pamilya upang magbigay ng kinakailangang tulong.
Hiniling din ng PAF sa publiko na igalang ang privacy ng mga pamilya sa gitna ng kanilang pagdadalamhati, alinsunod sa kanilang kahilingan.