NAUJAN, Oriental Mindoro – Mahigit 200 residente ang nakinabang sa libreng serbisyong medikal sa Barangay Bagong Buhay 1 sa Naujan, Oriental Mindoro, sa ilalim ng programang “Alagang Ina, Alagang Mindoro” ni Pola Mayor Jennifer “Ina Alegre” Cruz.

Isinagawa ang medical mission gamit ang LAB for All bus na handog ni First Lady Liza Araneta-Marcos upang mailapit sa mga residente ang serbisyong pangkalusugan nang walang bayad.

Kabilang sa mga serbisyong ipinagkaloob ang general consultation, basic laboratory services gaya ng X-ray, libreng gamot at serbisyong dental sa pangunguna ni Dr. Dianna Datu-Retusto.

Ayon kay Cruz, layunin ng programa na maihatid ang serbisyong medikal sa mga Mindoreño, lalo na sa mga walang sapat na kakayahang pinansyal para sa konsultasyon, laboratory tests at mga gamot.
Nagpasalamat din si Cruz kay First Lady Liza Marcos sa pagkakaloob ng LAB for All bus na ginagamit upang maihatid ang mga serbisyong pangkalusugan hanggang sa mga malalayong barangay.

Matapos ang unang leg sa Naujan, nakatakdang isagawa ang susunod na medical mission sa Sabado, Oktubre 25, sa Barangay Sto. Niño sa Calapan City, kung saan inaasahang mas marami pang residente ang makikinabang sa libreng konsultasyon at laboratory tests.