STO. TOMAS CITY, Batangas – Sapul sa CCTV footage ang pagbaril at pagpatay ng gunman kay Brgy. Chairman Dennis Austria sa My Homes Subdivision sa Barangay Sta. Anastacia, Sto. Tomas City, Batangas bandang 6:20 ng umaga nitong Huwebes.
Makikita sa CCTV na nagwawalis sa gate ng bahay ang biktima nang mabilis na lapitan ng isang lalaki at pagbabarilin ang chairman gamit ang caliber 45.
Matapos matumba ang biktima, tumakbo ang suspek at sumakay sa isang naghihintay na motorsiklo.
Tumakas ang mga suspek patungo sa direksyon ng Calamba City.
Itinakbo ang biktima sa St. Cabrini Hospital pero dead on arrival na siya sa mga tama ng bala sa ulo at iba pang parte ng katawan.
Ayon kay Mayor Arth Jhun Marasigan, Miyerkoles pa lamang umano ng gabi ay nakaabang na ang mga suspek.
Base umano sa pahayag ng testigo, nakita niya nitong Miyerkoles ng gabi na ibinaba sa isang van malapit sa My Homes Subdivision ang motorsiklong sinakyan ng mga suspek.
Nagsasagawa na ng back tracking at forward tracking ang mga pulis sa mga CCTV footage sa lahat ng posibleng dinaanan ng mga suspek.
Bumuo na rin ng Special Investigation Task Group ang mga otoridad na tututok sa imbestigasyon.