ROMBLON – Patay ang isang security guard ng Romblon State University (RSU) – San Andres Campus matapos pagtatagain ng kapwa niya guwardiya nitong Miyerkoles ng hapon.
Sa ulat ng Romblon News Network, nangyari ang krimen bandang alas-dos ng hapon sa mismong guardhouse ng unibersidad habang nakaduty ang biktima.
Nakaranig umano ang mga saksi ng sigawan na nagmumula sa guardhouse at ilang sandali ay nagkaroon na ng komosyon sa lugar hanggang sa matagpuan na ang biktima na nakahandusay na may mga sugat sa iba-ibang parte ng katawan.
Sumuko naman sa San Andres Municipal Police Station ang suspek habang isinugod ang biktima sa San Andres Municipal Hospital pero binawian din ng buhay.
Ayon kay Major Nanette Pablico, hepe ng San Andres Municipal Police Station, lumalabas sa paunang imbestigasyon na matagal nang may alitan ang dalawa. Bago ang insidente, nagkaroon umano ng asaran habang nagpapalitan ng duty ang dalawa, na nauwi sa pananaga sa biktima.
Inihahanda na ang kasong isasampa laban sa suspek.
Wala pang inilalabas na pahayag ang Romblon State University kaugnay ng insidente.
KAUGNAY NA BALITA: https://romblonnews.net/2026/10/sekyu-patay-sa-pananaga-ng-kapwa-sekyu-sa-rsu-san-andres/ (bagong tab)