NAUJAN, Oriental Mindoro – Pansamantalang ipinagbawal ng Pamahalaang Bayan ng Naujan, Oriental Mindoro ang pagpapasok ng mga buhay na baboy sa kanilang bayan bilang hakbang upang maiwasan ang pagpasok at pagkalat ng African Swine Fever o ASF.
Nakasaad ito sa Municipal Executive Order No. 26-040 na nilagdaan ni Mayor Henry Joel C. Teves noong Setyembre 29, 2026.
Saklaw ng pagbabawal ang pagpasok ng mga buhay na baboy para sa pagbebenta, delivery, pagpaparami, pagkatay, pag-iingat o holding, at iba pang gawain.
Maglalagay din ng mga ASF checkpoint upang inspeksyunin ang mga sasakyang nagdadala ng baboy at tingnan ang kanilang mga permit at iba pang kinakailangang dokumento.
Inaatasan ang mga nag-aalaga ng baboy na panatilihing malinis at ligtas ang kanilang mga kulungan. Kabilang dito ang paggamit ng footbath, maayos na bakod, regular na pagdidisimpekta at pagkontrol sa mga peste.
Sasailalim din sa mga patakaran ang mga hog trader, breeder, nagbebenta ng frozen pork at iba pang produktong baboy.
Hinimok ang publiko na agad i-report sa Municipal Agriculture Office o mga opisyal ng barangay ang biglaang pagkamatay ng baboy, mga sintomas na maaaring may kaugnayan sa ASF, at ilegal na pagdadala o pagbebenta ng mga produktong baboy.
Sa ngayon, nananatiling ASF-free ang Oriental Mindoro at Bayan ng Naujan.
Hinikayat ang mga residente na maging mapagmatyag at huwag agad maniwala sa mga hindi beripikadong impormasyon tungkol sa ASF.