PALAWAN — Arestado ang isang 36-anyos na lalaki matapos umanong makuhanan ng caliber .38 revolver at 2.44 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng ₱16,592 sa isang operasyon ng pulisya sa Brooke’s Point, Palawan noong Setyembre 30, 2026.
Ayon sa Police Regional Office MIMAROPA (PRO MIMAROPA), nagsimula ang operasyon matapos makatanggap ng impormasyon ang Brooke’s Point Municipal Police Station tungkol sa isang umano’y armadong lalaki na nanunuluyan sa isang boarding house sa Purok 3, Barangay Maasin.
Agad na nagtungo sa lugar ang mga pulis upang beripikahin ang ulat.
Pagdating ng mga operatiba, nakita nila ang suspek sa labas ng kaniyang kuwarto. Napansin umano ng arresting officer na nakalitaw sa bahagyang bukas na belt bag ng lalaki ang hawakan ng isang bagay na kahawig ng baril.
Dito na siya agad inaresto ng mga pulis.
Sa isinagawang imbentaryo ng mga nakumpiskang gamit, narekober ang isang caliber .38 revolver, itim na belt bag, itim na pouch, digital weighing scale at cellphone, bukod sa iba pang kagamitan.
Nakuha rin sa suspek ang tatlong heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng shabu.
Pinuri ni PRO MIMAROPA Regional Director PBGen Christopher R. Dela Cruz ang mga operatiba dahil sa mabilis na pagtugon sa impormasyong ibinigay ng komunidad.
Nasa kustodiya na ng Brooke’s Point MPS ang suspek para sa dokumentasyon at karagdagang imbestigasyon.
Inihahanda ang mga kaso laban sa kanya dahil sa umano’y paglabag sa Republic Act No. 10591 o Comprehensive Law on Firearms and Ammunition, at Sections 11 at 12, Article II ng Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.