Lumaktaw sa nilalaman
Huwebes, 1 Oktubre 2026 1 Okt 2026
TBSTNews OnlineTotoong Balita sa Southern Tagalog
Ito ang Totoo! www.totoongbalita.com
Swertres 7-4-6

Tatlo, arestado sa umano’y ilegal na pangingisda sa Corcuera, Romblon

Mga taga-Marinduque ang tatlong mangingisda na naaresto sa Corcuera, Romblon.

Isinagawa ng Coast Guard Sub-Station (CGSS) Corcuera ang operasyon kasama ang Corcuera Municipal Police Station (MPS) matapos makatanggap ng impormasyon hinggil sa umano’y ilegal na aktibidad.COAST GUARD STATION ROMBLON
I-share

CORCUERA, Romblon— Tatlong mangingisda ang nahuli ng Philippine Coast Guard (PCG) dahil sa umano’y ilegal na pangingisda sa  Barangay Alegria, Corcuera, Romblon noong Setyembre 30, 2026.

Isinagawa ng Coast Guard Sub-Station (CGSS) Corcuera ang operasyon kasama ang Corcuera Municipal Police Station (MPS) matapos makatanggap ng impormasyon hinggil sa umano’y ilegal na aktibidad.

Hinarang ng mga awtoridad ang dalawang de-motor na bangkang pangisda na lulan ng tatlong mangingisda na pawang mula sa Marinduque.

Ayon sa Coast Guard, napag-alamang nangingisda ang mga ito sa municipal waters ng Corcuera nang walang kinakailangang lisensya o permit, na paglabag sa Section 9(C) ng Municipal Ordinance No. 02-A-S 2022 o Revised Comprehensive Municipal Ordinance ng Corcuera.

Nakumpiska sa operasyon ang dalawang de-motor na bangkang pangisda, dalawang 18-horsepower diesel engine, tinatayang pitong kilo ng iba’t ibang uri ng isda at dalawang hook-and-line fishing gear na may kabuuang tinatayang halaga na P153,260.

Nabatid din na hindi rehistrado sa ilalim ng Safety, Security and Environmental Numbering (SSEN) System ang dalawang bangka.

Ipinaalam sa tatlong mangingisda ang kanilang mga karapatan bago dinala sa Corcuera MPS kasama ang mga nakumpiskang kagamitan para sa dokumentasyon at turnover sa Municipal Agriculture Office (MAO) ng Corcuera para sa kaukulang aksyon.

 

Kaugnay na Balita