Mahigit 5,900 ektarya ng lupang sakahan sa MIMAROPA ang nanganganib na makaranas ng kakulangan sa tubig para sa patubig, batay sa pagtaya ng National Irrigation Administration (NIA) MIMAROPA sa paghahanda nito sa posibleng paglala ng El Niño.
Sa kabuuang 11,321.76 ektarya ng sakahang natukoy ng ahensiya na nangangailangan ng atensiyon, 5,921.89 ektarya ang itinuturing na higit na bulnerable sa tagtuyot dahil sa mga naunang karanasan ng kakulangan o pagkawala ng suplay ng tubig para sa mga pananim.
Pinakamalaki ang lawak ng mga sakahang ito sa Palawan na may 2,881 ektarya, kasunod ang Oriental Mindoro na may 2,302.39 ektarya. Mayroon ding 399.03 ektarya sa Romblon, 191.96 ektarya sa Marinduque at 147.51 ektarya sa Occidental Mindoro.
Upang matukoy kung aling mga sakahan ang dapat unahing tulungan, gumagamit ang NIA MIMAROPA ng isang digital na mapa na nagpapakita ng lokasyon ng mga lugar na madalas maapektuhan ng kakulangan sa tubig.
Sa interview ng Philippine Information Agency (PIA) Oriental Mindoro kay NIA MIMAROPA Acting Regional Director Engr. Edwin C. Nazareno, sinabi niya na nakatutulong ang sistemang ito upang matukoy kung saan kailangang maglaan agad ng tulong at kung anong mga hakbang ang angkop sa pangangailangan ng mga magsasaka.
Batay sa sistema, itinuturing na higit na nanganganib ang mga sakahang naapektuhan ng El Niño noong 2024 o kapwa noong 2019 at 2024.
Kabilang naman sa katamtaman ang panganib ang mga lugar na dalawang magkasunod na panahon ng tagtuyot na hindi nakatanggap ng patubig.
Itinuturing na mas mababa ang panganib sa mga sakahang minsan lamang nawalan ng patubig sa panahon ng tagtuyot o hindi inaasahang maaabot ng mga sistema ng irigasyon sa tag-araw ng 2027.
Bukod sa mga naunang karanasan sa tagtuyot, tinitingnan din ng ahensiya kung gaano karaming tubig ang magagamit at kung kaya ng mga pasilidad ng irigasyon na maihatid ito sa mga sakahan.
Layunin ng hakbang na matiyak na ang mga lugar na higit na nangangailangan ang unang mabibigyan ng angkop na tulong habang naghahanda ang pamahalaan sa posibleng kakulangan sa tubig at matinding tagtuyot.
Bahagi ito ng paghahanda ng NIA kasunod ng direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa mga ahensiya ng pamahalaan na gumawa ng mga hakbang upang maiwasan ang kakulangan sa tubig at matinding epekto ng El Niño.