Inaasahang mababawasan ang oras at gastos sa biyahe ng mga residente ng Santa Cruz at Torrijos sa Marinduque, patungong mainland Luzon kapag natapos ang ₱300-milyong Balogo Port sa Hunyo 2027.
Sa halip na bumiyahe pa patungong Balanacan Port sa bayan ng Mogpog, magkakaroon na ng alternatibong daungan ang mga residente sa silangang bahagi ng lalawigan, na inaasahang magpapagaan sa biyahe ng mga pasahero at motorista na may dalang sasakyan.
Ayon kay Marinduque Congressman Reynaldo Salvacion, malaking ginhawa ito para sa mga taga-Santa Cruz at Torrijos dahil hindi na nila kailangang bumiyahe nang malayo upang makasakay ng barko patungong mainland Luzon.
Sinabi ito ni Salvacion sa inspeksiyon sa Balogo Port noong Oktubre 8 kasama sina Governor Melecio Go at mga opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) MIMAROPA, Department of Environment and Natural Resources (DENR) MIMAROPA at Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO).
Ayon kay DPWH MIMAROPA Assistant Regional Director Richard Ragasa, nagsimula ang konstruksyon ng proyekto noong huling bahagi ng 2023 at target itong matapos sa Hunyo 2027.
Magkakaroon ang daungan ng dalawang rampa para sa mga roll-on/roll-off o RoRo vessel na kayang magsakay ng mga sasakyan kasama ang kanilang mga pasahero. Susunod namang itatayo ang terminal ng pantalan.
Sa interview ng Philippine Information Agency (PIA) Marinduque kay Governor Go, inaasahan aniyang madaragdagan ng Balogo Port ang mapagpipiliang daungan ng mga barko at mababawasan umano ang dagsa ng mga sasakyang pandagat sa Balanacan Port, lalo na sa rutang Lucena-Marinduque tuwing matao ang biyahe katulad ng Semana Santa at Christmas season.
Ayon naman sa DPWH, pinili ang Balogo bilang daungan ng mas malalaking barko dahil sa lalim ng tubig sa lugar. Ginamit din umano ito noong dekada 1990 bilang daungan ng mga barkong nagdadala ng mga kemikal para sa operasyon ng Marcopper Mining.
Patuloy namang sinusubaybayan ng mga kinauukulang ahensiya ang konstruksyon upang matiyak na matatapos ang proyekto sa itinakdang panahon.