MANILA — Kinumpirma ng Bureau of Immigration (BI) nitong Martes na nasa labas ng bansa ngayon si dating House Speaker Lord Allan Velasco.
Ayon sa BI, walang umiiral na Hold Departure Order (HDO) o anumang derogatory alert laban kay Velasco na maaaring pumigil sa kaniyang pag-alis ng bansa.
Sinabi rin ng ahensya na hindi nito maaaring ibunyag ang iba pang detalye tungkol sa immigration records ng isang indibidwal dahil sa mga patakaran sa data privacy.
Ayon kay BI spokesperson Anisha Hasaan, hindi maaaring basta isailalim sa immigration monitoring ang isang indibidwal kung walang kaukulang request o order mula sa mga law enforcement agency.
Samantala, sinabi ng National Bureau of Investigation (NBI) na patuloy nitong sinusuri ang mga alegasyon ni dating police officer Rodulfo Gracioso Jr. laban kay Velasco, Vice President Sara Duterte at iba pang personalidad.
Ayon kay NBI Director Melvin Matibag, maaga pa para paniwalaan bilang katotohanan ang mga pahayag ni Gracioso na naghatid umano siya ng mga maleta na naglalaman ng pera kay Vice President Duterte at sa kapatid nitong si Davao City 1st District Representative Paolo Duterte, alinsunod umano sa utos ni Velasco at ng asawa nitong si Rowena.
Sinabi ni Matibag na sasailalim muna sa beripikasyon at authentication ang mga isinumiteng ebidensya, kabilang ang mga larawan at iba pang dokumento.
Plano rin ng NBI na imbitahan sina Velasco, Rowena Velasco, Vice President Sara Duterte at Paolo Duterte upang makuha ang kanilang panig dahil binanggit ang kanilang mga pangalan sa sinumpaang salaysay ni Gracioso.
Nilinaw ni Matibag na imbitasyon, at hindi subpoena, ang ipaaabot sa mga personalidad na nabanggit sa affidavit bilang bahagi ng imbestigasyon.
Samantala, kinumpirma rin ng Philippine National Police na naging bahagi si Gracioso ng security detail ni Velasco.