Lumaktaw sa nilalaman
Miyerkules, 30 Setyembre 2026 30 Set 2026
TBSTNews OnlineTotoong Balita sa Southern Tagalog
Ito ang Totoo! www.totoongbalita.com
Swertres 7-1-9
Negosyo

MARINA, nirerepaso ang ipinatupad na panibagong pagtaas ng pamasahe sa mga barko

Nirereview na ng MARINA ang panibagong taas-pamasahe sa barko na ipinatupad ng mga ferry operator.

Panibagong taas-pamasahe sa mga pampasaherong barko ang ipinatupad ng mga ferry operators.TBST News
I-share

BATANGAS CITY – Rerepasuhin ng Maritime Industry Authority o MARINA ang panibagong fare adjustment na ipinatupad ng mga ferry operator na bumibiyahe patungo sa mga isla ng Mindoro, Romblon at Marinduque, gayundin sa iba pang ruta sa Visayas.

Umalma ang maraming mananakay, partikular ang mga taga-Mindoro, sa panibagong taas-pasahe sa mga barko na anila’y hindi na makatwiran, lalo na sa patuloy na pagtaas ng gastusin at hirap ng buhay.

Kabilang sa mga shipping company na nag-anunsyo at nagpatupad ng bagong taas-pasahe ang Montenegro Shipping Lines, Starlite Ferries, Starhorse Shipping Lines, Archipelago Philippine Ferries Corporation at Island Water.

Hindi tinukoy ng mga nasabing shipping company kung ilang porsyento ang kanilang ipinatupad na dagdag-pasahe. Gayunman, ayon sa mga source sa industriya na humiling na huwag pangalanan, nasa 18% hanggang 20% ang fare adjustment na ipinatupad ng ilang operator matapos muling pumalo sa higit ₱100 kada litro ang presyo ng gasolina.

Iginiit naman ni MARINA Region IV Director Atty. Maximo Bañares Jr. na hindi dapat lumampas sa 10% ang fare increase na pinapayagan ng ahensya.

“Ire-review po namin yung mga notice ng increase po nila. Probably Monday, ginagawa na po ng aming isang section yung pag-review po doon sa mga increase at aabisuhan po namin sila kapag sobra po yung ginawa nilang pagtaas,” sabi ni Bañares sa panayam ng DZMM Teleradyo.

Aniya, ipapaalala rin ng MARINA sa mga ferry operator na may itinakdang limitasyon sa pagtataas ng pasahe.

“Ire-remind po namin sila na may ceiling lang po ang dapat nilang pagtaas. Mayroon pong regulation po ang MARINA na may ceiling lang po kung hanggang saan ang puwede nilang itaas,” dagdag niya.

Mula Marso at Abril ngayong taon ay sunod-sunod nang nagpatupad ng fare adjustment ang mga ferry operator matapos sumipa sa higit ₱100 kada litro ang presyo ng mga produktong petrolyo, kasunod ng tensyon sa pagitan ng Estados Unidos at Iran.

Iginiit naman ng MARINA na dapat awtomatikong ibalik o i-roll back ng mga ferry operator ang kanilang pasahe kapag bumaba na rin ang presyo ng mga produktong petrolyo.

Kaugnay na Balita