MANILA — Iginiit ng isang dating engineer ng Department of Public Works and Highways (DPWH)- MIMAROPA na wala siyang alam o pahintulot sa isinagawang nighttime construction ng kumpanyang inuugnay kay dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co sa isang road dike project sa Naujan, Oriental Mindoro.
Sa pagharap ni dating DPWH-Mimaropa project engineer Felisardo Casuno sa Sandiganbayan Sixth Division nitong Martes, sinabi niyang hindi siya naabisuhan ng contractor tungkol sa mga ginawang trabaho sa gabi.
Ayon kay Casuno, dapat ay inaabisuhan ng contractor ang DPWH bago magsagawa ng construction activities sa gabi.
“Ang contractor, hindi sila nagno-notify na may activity ng gabi… supposedly magno-notify ang contractor kung may gawain sa gabi,” ani Casuno.
Sinabi niyang sa pagdinig lamang niya nalaman na may isinagawang trabaho sa gabi matapos itong ihayag ng isang testigo sa korte.
Kabilang sa pinag-uusapan sa kaso ang alegasyong 3 metro lamang na steel sheet piles ang ipinabaon sa lupa, sa halip na 12 metro na nakasaad sa detailed engineering design ng proyekto.
Nauna nang tumestigo si Guillermo Gamus, isang night watchman na kinuha ng Sunwest, at sinabi niyang ang mga sheet pile ay hiniwa sa tig-tatlong bahagi bago ipinabaon sa lupa.
Ayon kay Gamus, mga tauhan ng Sunwest ang nagputol at nagbaon ng mga materyales at wala si Casuno sa lugar nang isagawa ang aktibidad.
Itinanggi naman ni Casuno na alam niya ang naturang gawain. Iginiit niyang kumpiyansa siyang 12-metrong sheet piles ang nakita niya nang magsagawa siya ng inspeksyon.
Nagpakita pa siya sa korte ng litrato ng tatlong sheet piles na sinabi niyang 12 metro ang haba.
Pero kinuwestiyon ng mga tagausig ang litrato, dahil hindi umano nito napapatunayan ang eksaktong haba ng mga materyales.
Ipinunto ni Casuno na responsibilidad ng contractor na tiyaking nasusunod ang mga technical specification ng proyekto.
“May obligation ang contractor na sundin ang specifications kasi sila ang may hawak ng materials, tao… ’Di naman kami empleyado ng Sunwest na andon lagi,” ani Casuno.
Gayunman, binigyang-diin ng prosecution na lumagda si Casuno sa certificate of statement of work accomplished, isang dokumentong kailangan sa pagproseso ng disbursement vouchers.
Sinabi ni Casuno na hindi siya pamilyar sa proseso ng voucher processing.
Inamin din ni Casuno na hindi niya personal na nasaksihan ang lahat ng pagkakataong isinagawa ang pagbaon ng sheet piles.
Ayon sa kanya, tatlong beses isinagawa ang activity, ngunit isang beses lamang siyang naroon, noong Marso 2024.
Alam umano niya ang dalawa pang pagkakataon, ngunit hindi siya nakapagpadala ng personnel dahil sa dami ng kanilang inaasikasong proyekto sa iba’t ibang lugar.
Nauna na rin niyang sinabi na kaniyang ipinagbigay alam kay dating DPWH-Mimaropa regional director Gerald Pacanan na nahihirapan siyang bantayan ang lahat ng proyekto.
“Ni-raise ko kay RD Pacanan na hawakan ko pa ba ang Palawan kung hawak ko rin Oriental Mindoro? [Sabi niya,] ‘Hawakan mo pa rin,’” ani Casuno.
Una nang itinanggi ni Casuno ang alegasyong pineke niya ang inspection certificate para sa proyekto. Gayunman, inamin niyang madalas siyang umasa sa mga report ng Sunwest dahil hindi siya laging nakadalo sa mahahalagang yugto ng konstruksyon.
Pinayagan naman ni Associate Justice Kevin Vivero si Casuno na iharap sa susunod na linggo ang huli niyang testigo na si Jose Sumangil ng Administrative Division ng DPWH-Mimaropa.
Una nang tumutol ang prosecution sa pagharap ni Sumangil dahil hindi siya nakalista sa pre-trial order o sa listahan ng mga substitute witness.
Ayon sa abogado ni Casuno, magbibigay ng testimonya si Sumangil hinggil sa kawalan ng equipment na kinakailangan upang masuri kung pasado sa specifications ang mga steel sheet piles.
Sa certification na inilabas ni Sumangil noong Oktubre 5, nakasaad na walang available na naturang equipment noong Marso 2024.
Si Casuno ay kabilang sa mga kinasuhan ng malversation kasama si dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co kaugnay ng kontrobersyal na proyekto sa Oriental Mindoro.