NAUJAN, Oriental Mindoro – Pitong parangal ang naiuwi ng Pamahalaang Bayan ng Naujan, Oriental Mindoro sa MIMAROPA One Mother – Baby Friendly Community Leadership Award bilang pagkilala sa mga programa at serbisyong nagtataguyod ng wastong nutrisyon at kalusugan ng mga ina at bata.
Pinangunahan ni Mayor Henry Joel C. Teves ang pagtanggap sa mga parangal sa seremonya na ginanap sa W9 Hotel and Resorts Manila noong Nobyembre 11, sa ilalim ng temang “Onward to Nutrition Excellence.”
Kabilang sa mga natanggap na pagkilala ang Mother-Baby Friendly Community Leadership Award para kay Mayor Teves, Outstanding Nutrition Program Coordinator Award para kay Bianca Louise Veronica M. Estrella, at Outstanding Mother-Baby Friendly Community Coordinator Award para kay Ma. Theresa A. Amboy.
Nakuha rin ng Naujan ang Nutrition Sustainability Award, Nutrition Investment Award, Maternal, Infant and Young Child Nutrition Capacity Development Excellence Award, at Nutrition in Emergencies Capacity Development Excellence Award.
Bukod dito, kinilala rin ang Barangay Santiago bilang Mother-Baby Friendly Community Excellence Award.
Pinarangalan din ang ilang opisyal at nutrition workers ng barangay dahil sa kanilang aktibong pagsusulong ng kalusugan at wastong nutrisyon ng mga ina at bata.
Ayon kay Mayor Teves, bunga ang mga parangal ng pagtutulungan ng lokal na pamahalaan, mga health at nutrition workers, mga opisyal ng barangay at iba pang katuwang sa komunidad.
“Ang mga parangal na ito ay hindi lamang pagkilala sa ating mga programa kundi patunay ng ating sama-samang pagsisikap na matiyak na bawat ina at bata sa Naujan ay may access sa wastong nutrisyon at serbisyong pangkalusugan,” ayon kay Teves.
Tiniyak naman ng alkalde na ipagpapatuloy ng kanyang administrasyon ang pagpapalakas ng mga programang pangnutrisyon upang maiwasan ang malnutrisyon at mapangalagaan ang kalusugan ng bawat pamilyang Naujeño.