Lumaktaw sa nilalaman
Miyerkules, 30 Setyembre 2026 30 Set 2026
TBSTNews OnlineTotoong Balita sa Southern Tagalog
Ito ang Totoo! www.totoongbalita.com
Swertres 7-1-9

Lisensya ng drayber ng mini-bus na sumalpok sa traysikel sa San Pascual, Batangas, pinatawan ng LTO ng 90 araw na suspensyon

90 araw na suspensyon ang ipinataw ng LTO sa lisensya ng drayber ng mini-bus na bumangga sa isang traysikel sa Brgy. Palsahingin, San Pascual, Batangas na ikinasawi ng 2 at ikinasugat ng tatlong iba pa.

2 ang nasawi at tatlo ang nasugatan nang salpukin ng isang mini-bus ang traysikel na nagsasakay ng pasahero sa Barangay Palsahingin, San Pascual ,Batangas noong Sabado.COURTESY OF SAN PASCUAL MUNICIPAL POLICE STATION
I-share

LIPA City, Batangas — Sinuspinde nang 90 araw ng Land Transportation Office (LTO) CALABARZON)  ang driver’s license ng driver ng modern public utility vehicle  o PUV  (mini bus) na sangkot sa isang malagim na aksidente sa Barangay Palsahingin sa San Pascual, Batangas na ikinasawi ng dalawang katao at ikinasugat ng tatlo pa.

Kasabay ng suspensiyon, naglabas din ang LTO ng Show Cause Order laban sa driver at registered owner ng bus habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa insidente.

Naganap ang aksidente bandang alas-12:20 ng tanghali noong Setyembre 26 sa Provincial Road sa Barangay Palsahingin, San Pascual.

Batay sa ulat ng San Pascual Municipal Police Station,   huminto ang tricycle para magsakay ng pasahero nang salpukin  ng mini bus na  nasa kaparehas na direksyon.

Habang nakahinto ang tricycle, bumangga umano ang bus sa likurang bahagi nito, dahilan para masugatan ang driver at mga sakay ng tricycle.

Isang pasahero ang idineklarang dead on arrival sa ospital, habang pumanaw naman ang driver ng tricycle habang ginagamot.

Tatlo pang pasahero ang nasugatan at dinala sa magkahiwalay na ospital para malapatan ng lunas.

DRIVER AT MAY-ARI NG BUS, PINAGPAPALIWANAG

Bukod sa 90-araw na preventive suspension, inatasan din ng LTO ang driver na magsumite ng sinumpaang paliwanag at mga kinakailangang dokumento sa loob ng limang araw mula nang matanggap ang Show Cause Order.

Naglabas din ang ahensya ng hiwalay na Show Cause Order laban sa registered owner ng bus para maipaliwanag ang panig nito kaugnay ng aksidente.

Samantala, inilagay sa alarm ng LTO ang bus, kaya hindi muna ito maaaring magkaroon ng anumang transaksyon habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.

Patuloy na sinusuri ng LTO CALABARZON, sa pamumuno ni Regional Director Elmer J. Decena, ang mga dokumento at iba pang ebidensiyang may kaugnayan sa aksidente upang matukoy ang nararapat na aksiyon at pananagutan alinsunod sa batas.

Ayon sa LTO CALABARZON, nananatiling pangunahing prayoridad ng ahensya ang kaligtasan ng mga motorista at ng publiko, kaya patuloy nitong hinihikayat ang mga driver at may-ari ng sasakyan na mahigpit na sumunod sa mga panuntunan sa kaligtasan sa kalsada.

Kaugnay na Balita