San Pacual, Batangas – Naaresto ng San Pascual Police ang isang babaeng nahaharap sa mga kasong estafa kaugnay ng isa umanong beauty investment scheme sa Barangay Sta. Rita Karsada, Batangas City nitong Martes.
Kinilala ang suspek na si Maila Baruc Castillo, na nasa ika-10 puwesto sa listahan ng most wanted persons sa Calabarzon.
Ayon sa pulisya, ilang warrant of arrest ang kinakaharap ni Castillo kaugnay ng mga kasong estafa, syndicated estafa, paglabag umano sa Securities Regulation Code, at iba pang batas.
Kabilang sa mga korte na naglabas ng warrant laban sa kanya ang mga korte sa Dasmariñas City, Sta. Rosa City, Calamba City, Pasay City, Quezon City at Batangas City.
May ilan sa mga kaso na may inirekomendang piyansa, habang walang piyansang inirekomenda sa iba pang kaso.
Nabanggit din ang pangalan ni Castillo bilang co-accused ng actress at television personality na si Rufa Mae Quinto sa kasong may kaugnayan sa investment firm na Dermacare-Beyond Skin International.
Gayunman, ibinasura na ng korte ang kaso laban kay Quinto. Hindi naman awtomatikong nangangahulugan ang dismissal na ito na apektado rin ang hiwalay na mga kaso at warrant laban kay Castillo.
Nasa kustodiya na ngayon ng San Pascual Municipal Police Station si Castillo habang inaasahang haharap sa mga kasong isinampa laban sa kanya.