Lumaktaw sa nilalaman
Linggo, 22 Nobyembre 2026 22 Nob 2026
TBSTNews OnlineTotoong Balita sa Southern Tagalog
Ito ang Totoo! www.totoongbalita.com
Swertres 6-9-7
MIMAROPA

Ama ng pinaslang na nursing student sa Oriental Mindoro, pumanaw na rin

Kinimkim umano nito ang kanyang pagdadalamhati, na pinaniniwalaan ng mga kaanak na maaaring hindi na niya kinaya.

Si Roden Gabayno sa libing ng kaniyang anak na si Maru Gabayno sa Bongabong, Oriental Mindoro noong Sabadototo gabayno
I-share

BONGABONG, Oriental Mindoro — Isa pang trahedya ang sinapit ng pamilya ng pinaslang na nursing student na si Altheia Maru Gabayno matapos pumanaw ang kanyang ama, na umano’y hindi kinaya ang matinding pagdadalamhati sa pagkamatay ng anak.

Pumanaw si Roden Gabayno, 47, madaling araw nitong Martes, Nobyembre 17, dalawang araw matapos ilibing ang kanyang anak, ayon sa pinsan nitong si Toto Gabayno.

Ayon kay Toto, natutulog si Roden nang madaling araw nang makaranas ito ng hirap sa paghinga. Agad siyang isinugod ng pamilya sa Oriental Mindoro Southern District Hospital sa Roxas, kung saan sinubukan siyang isalba ng mga doktor.

Gayunman, idineklarang patay si Roden bandang alas-4 ng madaling araw dahil sa cardiac arrest.

Si Roden ay isang barangay kagawad sa Barangay Labonan sa Bongabong.

Ayon kay Toto, hindi umano umiyak si Roden mula nang nakaburol ang kanyang anak hanggang sa mailibing ito noong Sabado, sa kabila ng matinding sinapit ng kanilang pamilya.

Sa halip, kinimkim umano nito ang kanyang pagdadalamhati, na pinaniniwalaan ng mga kaanak na maaaring hindi na niya kinaya.

Noong gabi bago siya pumanaw, sinabi umano ni Roden sa kanyang asawa na hindi na niya kayang tiisin ang sakit na nararamdaman.

“Noong gabi po sinabi po niya sa asawa niya na, ‘Mama, parang hindi ko kaya.’ Tapos yun po, parang nanginginig yung kaniyang katawan. Tapos noong madaling araw nang matulog, nagulat na lang sila noong ginising si Roden, wala na po siya” ayon kay Toto.

Natagpuan ang 20-anyos na si Altheia, isang nursing student, na wala nang buhay sa isang masukal at liblib na lugar sa Barangay Sapul sa Calapan City noong madaling araw ng Nobyembre 7. Mayroon itong maraming saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Sumuko na sa mga awtoridad ang 26-anyos na suspek, na umano’y dating nobyo ng biktima, at nahaharap sa kasong murder.

Lalo pang nagdalamhati ang pamilya Gabayno matapos ang pagpanaw ni Roden, na hindi na umano nakayanan ang sakit na dulot ng brutal na pagkamatay ng kanyang anak.

Kaugnay na Balita