CAMP VICENTE LIM, Laguna — Arestado ng mga tauhan ng Regional Intelligence Division ng CALABARZON Police ang isang lalaki na umano’y sangkot sa serye ng panghoholdap sa mga convenience store at pagnanakaw ng motorsiklo sa Laguna at Batangas.
Kinilala ang suspek sa alyas na Gie, na naaresto sa isang buy-bust operation sa Lipa-Padre Garcia Bypass Road, Purok 7, Barangay San Celestino, Lipa City, Batangas.
Ayon sa pulisya, nagbebenta rin umano ng mga baril na walang kaukulang dokumento ang suspek kapag hindi siya nakapagnanakaw ng motorsiklo o nakapagsasagawa ng panghoholdap.
Sinabi ni CALABARZON Police Regional Director PBGen. Dominic Baccay na iniuugnay rin ang suspek sa mga aktibidad ng gun-for-hire at contract killing.
“Kasama rin ’yan doon sa mga gun-for-hire or contact killer or sa contract killing. Actually, dalawa ’yan sila magkaangkas sa motorsiklo. Medyo sinuwerte at nakatakas lang ’yung isa, pero ’yung isa ay pinaghahanap pa ng ating mga operatiba,” ani Baccay.
Nasamsam sa operasyon ang isang caliber .45 na pistol, mga magazine nito, at isang plaka ng motorsiklo.
Ayon naman kay PCOL Vicente Cabatingan, hepe ng Regional Intelligence Division ng CALABARZON Police, ikinasa ang operasyon matapos makatanggap ng impormasyon mula sa komunidad na nag-aalok umano ng baril ang suspek.
“Nakuha rin ’yan dahil nga sa pakikipagtulungan ng community. Nagbebenta rin siya ng baril, kaya doon natin siya kinuha. Nagkaroon tayo ng information na willing siyang magbenta ng baril, kaya pinasukan natin,” ani Cabatingan.
Natuklasan din ng mga awtoridad na may nakabinbing warrant of arrest ang suspek kaugnay ng kasong lascivious conduct, na agad na ipinatupad habang nasa kustodiya na siya ng pulisya.
Ang suspek ay pangatlo sa listahan ng most wanted persons ng Muntinlupa City Police.