ORIENTAL MINDORO – Nasabat ng mga otoridad sa checkpoing sa Bulalacao, Oriental Mindoro ang siyam na buhay na baboy na ipapasok sana sa probinsya ng Occidental Mindoro para ibenta.
Ayon sa report ng Provincial Information Office ng Oriental Mindoro sakay ng trak ang mga baboy ng maharang sa Milagrosa Animal Quarantine Checkpoint noong Martes na dadalhin sana sa San Jose, Occidental Mindoro.
Ang pagharang sa mga ibibiyaheng baboy ay kabilang sa mga hakbang upang hindi kumalat ang African Swine Fever o ASF sa pamamagitan ng mga infected na hayop, mga kontaminadong sasakyan, kagamitan, damit at iba pang mga bagay na makakasalamuha ng mga baboy.
Pinipigilan ang paglabas ng baboy patungo sa lugar na may kumpirmado at aktibong kaso ng ASF upang maiwasan ang kontaminasyon ng livestock carriers na maaaring magdala ng ASF virus pabalik sa Oriental Mindoro.
Pero agad naman nilinaw ng provincial government na walang kaso ng ASF sa Oriental Mindoro.
Bilang bahagi ng security measures, isinagawa agad ang mga protocols kabilang ang disposal o pagkatay agad sa mga nasabat na baboy at pagbabaon agad sa mga ito.
Inihahanda na rin ang mga kasong isasampa sa mga nagtangkang magbiyahe ng mga baboy dahil sa paglabag sa quarantine ordinance sa responsableng pagbiyahe ng mga baboy.
Isasampa ang kaso ng Bulalacao ASF Task Force, Bulalacao Police, Provincial Veterinary Office o ProVet ,Provincial Administrator at Provincial Legal Office.