BOAC, Marinduque — Kinumpiska at sinunog ng mga awtoridad ang mahigit 200 kilo ng iligal na frozen pork at processed meat products sa Boac, Marinduque nitong Biyernes bilang hakbang upang maprotektahan ang lokal na industriya ng baboy laban sa African Swine Fever o ASF.
Pinangunahan ng Marinduque Provincial Veterinary Office (ProVet), katuwang ang Boac Philippine National Police (PNP) at Municipal Agriculture Office (MAO), ang operasyon sa isang retail store na nagbebenta ng 221.13 kilo ng walang label na imported frozen pork at processed meat products na walang kaukulang permit mula sa munisipyo.
Matapos ang inspeksyon, dinala ang mga nakumpiskang produkto sa isang itinakdang hukay kung saan isinagawa ang pagsunog sa mga ito. Naroon bilang mga saksi ang may-ari ng tindahan at mga pulis.
Batay sa imbestigasyon ng ProVet, walang License to Operate (LTO), Business Permit, Certificate of Meat Inspection (COMI), at Food and Drug Administration (FDA) permit ang tindahan.
Itinuturing itong paglabag sa Meat Inspection Code of the Philippines at Provincial Executive Order No. 16, Series of 2019.
Muling iginiit ni Marinduque Provincial Veterinarian Dr. JM Victoria na mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok sa isla ng mga hindi sertipikadong produktong baboy upang maiwasan ang pagkalat ng ASF.
Ayon kay Victoria, magpapatuloy ang mahigpit na monitoring ng mga awtoridad at ang pagsasagawa ng mga operasyon laban sa mga negosyanteng hindi sumusunod sa mga itinakdang regulasyon sa buong lalawigan.