Lumaktaw sa nilalaman
Miyerkules, 30 Setyembre 2026 30 Set 2026
TBSTNews OnlineTotoong Balita sa Southern Tagalog
Ito ang Totoo! www.totoongbalita.com
Swertres 7-1-9

Gov. Sol Aragones, tinawag na political harassment ang inihain na kaso sa kanya

Tinawag ni Laguna Governor Sol Aragones na political harassment ang isinampang reklamo sa kaniya sa Ombudsman.

Laguna Gov. Sol Aragones
I-share

STA. CRUZ. Laguna – Umalma si Laguna Governor Sol Aragones sa graft complaint na isinampa laban sa kanya at ilang provincial officials kaugnay ng umano’y hindi pagsunod sa tamang proseso sa pamamahagi ng P15,500 financial assistance para sa mga naghahanda para sa kanilang professional examinations.

Kinondena ni Aragones ang pagpapakalat sa social media ng reklamo bago pa man nila natanggap ang opisyal na kopya ng complaint na inihain sa Office of the Ombudsman.

Ayon sa gobernador, layunin umano ng pagpapakalat ng reklamo na sirain ang kanyang reputasyon.

“Malinaw na nagpapakita ng masamang layunin at layong manira lamang ng reputasyon,” ani Aragones.

“Nakakalungkot na sa halip na ituon ang pansin sa paglilingkod, inuuna pa ang ganitong uri ng pamumulitika,” dagdag niya.

Iginiit ni Aragones na hindi niya isasakripisyo ang kanyang integridad at pananagutan sa pampublikong paglilingkod.

“Kailanman ay hindi natin isasakripisyo ang ating integridad at pananagutan sa pampublikong paglilingkod,” aniya.

Sinabi rin ng gobernador na maglalabas sila ng buo at pormal na pahayag sa tamang panahon.

Sa ngayon, hinihintay pa umano nila ang opisyal na kopya ng reklamo upang mapag-aralan ito ng kanilang legal team.

Inihain ang graft complaint sa Ombudsman nitong Lunes ng umaga nina Association of Barangay Councils (ABC)-Laguna President at Board Member Lorenzo Zuñiga Jr., Third District Board Member Karla Monica Adajar-Lajara, Calamba City Board Member Princess Lajara at Calamba City Councilor Christian Niño Lajara.

Bukod kay Aragones, kabilang din sa mga inireklamo sina Provincial Budget Officer Jocelyn Jimenez-Litan, Provincial Accountant Joiphylen Bacanto, Provincial Treasurer Fely Cruz, Assistant Government Department Head Carina Macalos, at Dr. Analiza Victoriano, president ng Professional Academic Review Center.

Kaugnay na Balita