POLA, Oriental Mindoro — Naglunsad ang mga pulis sa bayang ito ng isang programang nakatuon sa mental health bilang bahagi ng kanilang pagsisikap na matukoy agad ang mga estudyanteng nakararanas ng matinding pagkabalisa at makatulong na maiwasan ang mga insidente ng karahasan sa mga paaralan.
Katuwang ang lokal na pamahalaan, inilunsad nina Mayor Jennifer “Ina Alegre” Cruz at Pola Municipal Police Station chief PCpt. Bernie Ortega ang Project Gabay-Kaisipan, isang inisyatiba na nag-uugnay sa mental health awareness at crime prevention.
Layunin ng programa na matulungan ang mga estudyante na makilala ang mga maagang senyales ng pagkabalisa o matinding emosyonal na pinagdaraanan at maiugnay sila sa angkop na propesyonal na tulong.
“Ito po ay isang makabagong sistema sa pampublikong kaligtasan na nag-uugnay sa kalusugang mental at pag-iwas sa krimen sa pamamagitan ng paggamit ng Psychological First Aid,” sabi ni Ortega.
Ayon kay Ortega, bahagi ang proyekto ng IMPLAN KATATAGAN — PNP Youth Mental Health Awareness Plan, na naglalayong isama ang mental health awareness sa crime prevention sa pamamagitan ng Psychological First Aid (PFA).
Sinabi ni Ortega na nakatuon ang PFA sa tatlong pangunahing prinsipyo: presence, safety at bridging — ang pagiging naroroon para sa mga estudyante, pagpaparamdam sa kanila na ligtas sila, at pagiging tulay patungo sa angkop na tulong na kanilang kailangan.
Binubuo ang Project Gabay-Kaisipan ng 13 modules na sinuri at ebalwado ng isang educational psychologist mula sa University of Santo Tomas (UST).
Binigyang-diin ni Ortega na hindi layunin ng proyekto na mag-diagnose ng anumang kondisyon sa mental health.
Katulad ng basic first aid, layunin ng inisyatiba na matukoy at maidokumento ang mga nakikitang sintomas, pag-uugali o kilos na maaaring senyales na nangangailangan ang isang estudyante ng karagdagang tulong.
Ang mga impormasyong makakalap ay magsisilbing gabay sa tamang proseso ng referral, na maaaring humantong sa mga lisensiyadong psychologist, health professional, pulis o social worker.
“Ang itinuturo po natin sa mga estudyante sir ay hindi para magdiagnose, ang pagdiagnose po ay para lang sa mga eksperto, mga psychologist lang po at psychiatrist, so ang gagawin lang po ng mga estudyante is itala o isulat po yung mga unsual na kilos, pag-uugali na mapag-aaralan nila under doon sa mental health continuum,” paliwanag ni Ortega.
Kasama rin sa programa ang tatlong modules para sa mga magulang at opisyal ng barangay, na nakatuon sa positive parenting at family psychology. Layunin nitong matulungan ang mga nakatatanda na mas maunawaan at mapakinggan ang mga bata.
“Natuturuan natin kung papaano naman po tangapain at makinig doon sa problema ng mga kabataan ngayon, ang itinuturo dito ay yung family psychology at yung positive parenting,” dagdag pa ni Ortega.
Tatlong modules ang maaaring ituro sa loob ng 30 minutong sesyon, at dalawang sesyon ang isasagawa sa bawat kalahok na paaralan. Ayon kay Ortega, isasagawa lamang ang mga sesyon tuwing break period, alinsunod sa mga alituntunin ng Department of Education (DepEd).
Upang matiyak ang maayos na pagpapatupad ng programa, sasailalim muna sa Instructor’s Training ang mga pulis na itatalaga rito sa ilalim ng pangangasiwa ng isang educational psychologist.
Layunin ng inisyatiba na palakasin ang maagang pagtukoy at referral sa mga estudyanteng nangangailangan ng tulong, habang binibigyan ang mga paaralan, pamilya, opisyal ng barangay at law enforcement personnel ng iisang pamamaraan sa pagsuporta sa mga kabataang maaaring nakararanas ng emosyonal o behavioral na problema.