TANAUAN CITY, Batangas – Patay ang dating Brgy. Chairman ng Barangay Bañadero sa Tanauan City, Batangas matapos na pagbabarilin ng riding-in-tandem nitong Biyernes ng hapon.
Sa report na nakalap ng TBST News Online, nangyari ang pananambang sa biktimang si Emeterio Awitan, 66 taong gulang bandang 5:15 ng hapon sa Barangay Talaga .
Sakay ang biktima sa kaniyang motorsiklo at patungo sa direksyon ng city proper nang dalawang lalaking sakay ng motorsiklo ang lumapit.
Bumunot ng baril ang angkas at pinagbabaril ang dating kapitan ng barangay.
Inilarawan ng mga testigo ang drayber ng motorsiklo na nakasuot ng itim na jacket at asul na pantalon habang ang angkas na siyang gunman ay naka-puting t-shirt, pula na jacket , asul na pantalon at puting sapatos.
Patuloy ang follow up operation ng mga otoridad para matukoy at maaresto ang mga suspek.