AGONCILLO, Batangas – Pinaigting ng Philippine Coast Guard (PCG) ang pagpapatrolya at pagbabantay sa mga komunidad sa paligid ng Lawa ng Taal, kasunod ng pag-aalburoto ng bulkan at pag-ulan ng abo na nagdulot ng paglikas ng mga residente sa Agoncillo, Batangas.
Kasabay nito, patuloy na minomonitor ng PCG District Southern Tagalog ang kalagayan ng mga pamilyang pansamantalang nanunuluyan sa PAGCOR Socio-Civic Center sa Barangay Pansipit, Agoncillo.
Batay sa pinakahuling datos ng evacuation center, nasa 29 na pamilya o 107 indibidwal ang kasalukuyang nakalikas mula sa mga apektadong bahagi ng Barangay Bilibinwang at Barangay Banyaga.
Sa naturang bilang, 56 ang direktang tinulungan at inilikas ng mga tauhan ng Coast Guard Sub-Station Agoncillo, habang 51 naman ang kusang nagtungo sa evacuation center.
Kabilang sa mga evacuee ang 17 bata, 18 school-age na residente, 22 teenager, 43 adult at pitong senior citizen.
Nakipag-ugnayan na rin ang mga tauhan ng PCG sa Municipal Social Welfare and Development Office at Philippine National Police sa Agoncillo upang matiyak ang kaligtasan at kapakanan ng mga inilikas.
Nananatili namang naka-heightened alert at handa ang PCG na rumesponde sa mga komunidad na posibleng maapektuhan ng ashfall sa paligid ng Lawa ng Taal.
Patuloy rin ang koordinasyon ng ahensya sa mga lokal na pamahalaan at iba pang kinauukulang ahensya para sa proteksyon at pangangailangan ng mga residente.