CATANAUAN, Quezon — Nadagdagan ang mga kagamitang pangresponde ng bayan ng Catanauan matapos pormal na i-turn over ng lokal na pamahalaan ang isang fire truck sa Catanauan Fire Station.
Pinangunahan ni Mayor Ramon A. Orfanel ang seremonya bilang bahagi ng hakbang ng pamahalaang lokal na palakasin ang kakayahan ng Bureau of Fire Protection (BFP) Catanauan sa pagtugon sa mga sunog, emergency at iba pang insidenteng nangangailangan ng agarang responde.
Ayon kay Orfanel, mahalagang mabigyan ng sapat na kagamitan at suporta ang mga local responder upang mas epektibo nilang magampanan ang kanilang tungkulin at mapangalagaan ang kaligtasan ng mga residente.
Inaasahang makatutulong ang karagdagang fire truck sa pagpapabilis ng pagtugon ng BFP sa mga sunog at mga emergency situation sa bayan.
Patuloy na nakatuon ang LGU Catanauan sa pagpapalakas ng pakikipagtulungan nito sa BFP at iba pang ahensyang tumutugon sa mga emergency situation upang mapabuti ang paghahanda at mapanatili ang kaligtasan ng mga mamamayan sa buong bayan.