SAN PASCUAL, Batangas — Hindi na magsasampa ng reklamo ang Animal Kingdom Foundation (AKF) laban sa traysikel driver na nakaladkad ang isang aso sa highway sa Barangay San Antonio, San Pascual, Batangas, matapos humingi ng tawad at ipaliwanag ang nangyari.
Kusang nagtungo sa San Pascual Municipal Police Station nitong Biyernes ng umaga ang driver, na siya ring may-ari ng aso, upang magbigay ng pahayag sa mga awtoridad.
Ayon sa driver, hindi niya napansin na tumalon na pala ang aso mula sa traysikel habang bumibiyahe siya patungong kalapit na bayan ng Bauan upang magsundo ng pasahero.
Napahinto lamang umano siya nang sitahin ng isa pang traysikel driver at ipaalam na nakaladkad na ang aso sa kalsada.
Tatlong buwan pa lamang ang aso at isa itong mixed-breed na Aspin.
Ayon pa sa driver, kinailangan niyang manghiram ng pera upang maipagamot ang aso matapos itong magtamo ng ilang sugat.
Nagsumite na rin siya ng sinumpaang salaysay sa mga awtoridad at nakipagpulong sa mga kinatawan ng AKF.
Sinabi ni AKF President at Executive Director Atty. Heidi Marquez-Caguioa na kapani-paniwala ang paliwanag ng driver, lalo’t paulit-ulit umano itong humingi ng tawad at umamin sa pagkukulang.
“Tapos napagamot naman at very apologetic naman. Inamin niya na may pagkukulang siya, hindi niya napansin,” ani Marquez-Caguioa.
Dahil dito, nagpasya ang foundation na huwag nang magsampa ng reklamo laban sa driver. Sa halip, pinapirma siya ng kasunduan na mas pangangalagaan niya ang aso na alaga rin umano ng kaniyang anak.
“So based on that, I think we would just– pinapirma namin siya ng undertaking na mas pangangalagaan niya yung puppy kasi alaga rin pala nung anak niya eh,” dagdag ni Marquez-Caguioa.
Kumalat sa social media ang video ng insidente matapos itong kuhanan ni Angel Luzon noong Miyerkules ng gabi. Makikita sa video ang isang traysikel na bumibiyahe sa highway sa San Pascual habang nakatali sa sasakyan ang aso at nakaladkad sa kalsada.
Dahil sa insidente, nag-alok ang AKF ng ₱25,000 pabuya sa sinumang makapagbibigay ng impormasyong makatutulong upang matukoy ang driver at mahanap ang aso.