ORIENTAL MINDORO – Isang dating platoon leader ng New Peoples Army o NPA ang naaresto ng mga tropa ng pamahalaan matapos ang engkwentro na naganap sa Sitio Bagao, Barangay San Roque sa Bulalacao, Oriental Mindoro nitong Miyerkoles ng 1:00 ng hapon.
Sinabi ni BGen. Melencio Ragudo , commander ng 203rd Infantry Brigade ng Philippine Army, magkakasamang nagsasagawa ng pagpapatrolya ang mga sundalo mula sa 1st Infantry Battalion nang may residente na nagsumbong dahil may grupo umano ng mga kalalakihan na nakitaan nila na may bitbit na baril.
Nang rumesponde ang mga sundalo, papalapit pa lamang sila ay sinalubong na umano sila ng mga putok ng baril mula sa mga kalalakihan na nasa isang tent.
Dito na nagkaroon ng palitan ng putok sa pagitan ng mga sundalo at nasa tinatayang 10 mga kalalakihan na hinihinalang mga rebeldeng NPA.
Tumagal ng 15 minuto ang palitan ng putok at tumakas ang mga rebelde kung saan naiwan ang naarestong suspek na agad nagtaas ng kamay at sumuko.
Napag-alaman na ang naarestong rebelde ay dating platoon leader ng Kilusang Larangan Guerilla – MAV na nademote sa samahan.
Natuklasan din ng mga sundalo na siya ay may mga warrant of arrest sa iba-ibang kaso kabilang ang murder at arson.
Nangyari ang engkwentro malapit lamang sa highway.
Ayon sa mga otoridad, nagluluto ng pananghalian ang mga rebelde ng kanilang madatnan.
Dalawang linggo na umanong nasa lugar ang mga rebelde kung saan ay nagpapalakas umano muli sla ng grupo.
Kasalukuyan nang nakalulong ang naarestong NPA sa Bulalacao Police Station.
Kabilang naman sa mga nasamsam ng mga otoridad ay ang mga sumusunod:
1- colt m16 rifle, 2- long aloy magazines, 1 -short aloy magazine, 214 rounds ng mga bala para sa 5.56mm, 29 rounds ng bala ng AK47, 25 rounds ng bala ng M60 GPMG, 2 -bandoliers, 1-hand guard, 12 blastic caps, 1-battery detonator, 1-solar panel, 1-FHM radio, 1-icom charger, medical paraphernalia and equipment, subversive documents, 5- backpacks, 4 – Mangyan bags, 6-poncho, 1-bandolier, food supplies, 1 -shovel, 1-hammock, 2- bolo at mga personal belongings.